Anak ng magbobote magtatapos bilang magna cum laude
Sa pinagtagpi-tagping yero, kawayan at plywood na ito nakatira si Sarah Tanduyan.
Pero sa loob ng barung-barong na ito nakatago ang mga medalyang itinuturing niyang tunay na kayamanan.
Mula pagkabata, honor student si Sarah.
Kahit minsan na napuputulan daw sila ng kuryente, nagsisikap pa rin siyang mag-aral kahit gasera lang ang kanyang ilaw.
Sampung taong gulang siya nang mamatay ang kanyang ina.
Sa kabila ng kahirapan ng buhay ay nagsikap siyang mag-aral.
Sa Biyernes ay magtatapos siya bilang magna cum laude sa kursong Business Administration ng Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo.
“Parang dine-degrade po ang tatay ko dahil po ganoon lang po ang hanapbuhay niya so nagtiyaga po ako para po at least dumating ang time na maiahon ko po sila sa kahirapan,” sabi ni Sarah.
Ang inspirasyon ni Sarah ay ang kanyang ama na si Mang Nick na itinaguyod siya sa trabahong pagbobote.
“Masarap po [ang pakiramdam]. Sa kabila ng kahirapan, itinaguyod ko po. Karangalan ko po iyon bilang ama basta makatapos lang po ang aking anak,” sabi ni Mang Nick.
Halagang P200 lang ang kinikita ng kanyang ama.
Dito ibinabawas ang kanilang pagkain at pamasahe kaya tinatiyaga na lang niyang maglakad ng dalawang kilometro papunta sa kanilang sakayan para makatipid.
Ang allowance na P1,500 na bigay ng eskuwelahan ang pinagkakasya niya sa loob ng isang buwan.
“Si Sarah, sabi nga ng mga teacher dito, napakabait na bata at napaka-impressive din,” sabi ni Daria Tolentino, dean ng Dalubhasaan ng Lungsod ng San Pablo.
Nangako na rin ang lokal na pamahalaan ng Tiaong, Quezon na tutulungan siyang magkaroon agad ng trabaho.
Walang pagsidlan ang kaligayahan ngayon si Sarah na halos abot-kamay na raw niya ang tagumpay. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino
No comments:
Post a Comment